Nakipaglaro ako isang araw

Sa aking malapit na kaibigan

Noong una hindi namin alam ang gagawin

Dahil hindi namin maisip kung ano ang pwedeng laruin

Pero maya-maya ay nagulat ako

Kasi naka-isip na siya ng malalaro

At hindi ito yung tipikal na laro

Ng magkaibigan kagaya namin

Napagdesisyunan naming dalawa

Na ang lalaruin namin

Ay laro ng pag-ibig

Unang mahulog, siguradong talo

Walang takot naming tinanggap ang hamon ng isa’t isa

Sapagkat ano naman ang katatakutan naming dalawa

Kami naman ay magkaibigan lang

Walang halong pag-iibigan

Magkapatid na ang turingan

Nagsimula na ang laro

At maganda ang naging takbo nito

Tinatawanan namin lahat ng maloloko

Sa kunwaring relasyon na nabuo

Pero nagising ako isang araw

Bigla mo na lamang ipinatigil ang laro

Dahil may nahanap ka nang babae

Na tunay na nagpapatibok ng iyong puso

Hindi ko alam kung bakit

Pero luha ay nagsimulang umagos sa mga mata

Syempre hindi ko ito ipinakita

At ayaw ko naman na makahalata ka

Pero hindi mo naman pala kailangan itigil ang laro

Dapat pala ay matagal ng tapos ito

Dahil sa simula pa lang, ako na ang talo

Advertisements