Hindi ba sadyang mapapaisip ka nalang? Kung kailan, paano at bakit. Kailan. Kailan ko ba unang nalaman na nahulog na ako sakanya. Kailan nga ba yung sandaling para akong bumunggo sa isang malaking pader at napatigil sa aking kinatatayuan, lumabas ang kanyang imahe sa aking harapan, at nabigkas ko na lamang sa sarili na, “pucha, mahal ko na siya”. Kailan nga ba yung panahong sa lahat na lang ng pupuntahan ko, tanging siya lang ang maiisip ko. Na sa lahat ng taong makakasalubong ko, may isa silang katangian na magpapaalala sakanya. Kailan nga ba ako nahulog sakanya? Siguro nung hindi ko maiwasang titigan siya. Na memoryahin ang bawat detalye ng mukha niya. Yung ngiti niya, yung mata niya, mismong mga nunal niya ata sa mukha at bagong tubong tigyawat napapansin ko eh. Nahulog na siguro ako nang naging isang musika ang pagtawa niya sa maliliit na bagay. Lalo na kung ako ang dahilan ng kanyang paghalakhak, ay nako! Mah heart mah soul na siguro ang tanging umiikot sa utak ko. Pero sigurado akong nahulog na ako sakanya nang may isang gabi na magkasama kami, kami lang dalawa, tapos humahalakhak siya. Hindi ko na dapat siya titignan pero nang mapatitig ako sakanya at nakita ang mukha niya na sinisinagan ng ilaw ng buwan at street light, kasabay ng musika niyang tawa at wagas na ngitian, wala na. Nag slow motion na at unti-unti ko nang napagtanto na nahulog na ako sakanya. Paano. Paano nga ba ako nahulog? Natapilok ako eh. Kumbaga may balon sa harapan ko, tapos sa sobrang lampa ko, natapilok ako sa isang invisible rock, ayon, hindi na ako nakaalis. Noong una kasi wala lang eh. Kaibigan ko siya, tropa kami. Nagbibiruan nga lang kami na may maituturing na kami eh. Siguro naging totoo na sa akin. Naging totoo na lahat. Hindi ko talaga alam kung paano. Wala naman kasing rason kapag nagmamahal. Pero ang tanong na gusto ko talaga sagutin, ay bakit. Bakit siya. Hindi ko alam eh. Ang dami ngang external factors na patuloy ipinapamukha sa akin ng universe. Bawal daw kami sabi ni destiny. Pero siya kasi yung napili ng puso ko. Napiling mahalin ng lihim, at umaasang balang araw, maibigay ang pagmamahal na matagal kong pinag-ipunang iparamdam.

Kailan

Paano

Bakit

Kailan mo kaya ako mamahalin pabalik? Paano ka ba mahuhulog sa’kin? Bakit hindi tayo pwede?

Kailan

Paano

Bakit

Kailan ba ako maglalakas loob umamin sa’yo? Paano ako aamin sa’yo? At bakit nga ba ako aamin sa’yo?

Kailan

Paano

Bakit

Kailan kaya magkakaroon ng tayo? Paano kaya kung may tayo? Bakit ba kasi hindi na lang tayo.

Advertisements