“Ang hirap pala ng sitwasyon mo. Nakikita mo yung pag-iwan sa’yo ng mga tao.”

            Hindi ko maalala ang eksaktong sinabi ng kaibigan ko nung araw na iyon pero alam kong iyan ang kaniyang pinaparating na mensahe. Hinatid ko kasi siya noon sa may overpass. Sa kabila kasi ang kaniyang sakayan. Pilit niyang sinabi na okay lang, kahit huwag ko na siya ihatid pero para sa akin naman ay walang kaso iyon. Nang papalapit na kami sa may hagdanan sa overpass, napatigil kaming dalawa, nilingon niya ako at sinabi ang mga katagang iyon. Nagulat ako sa sinabi niya. Hinihintay ko na tumawa siya para mawala ang palaisipang tumatak sa akin pero ngumiti lang siya. Tumawa na lang ako at namaalam. Gusto ko mang pagnilayan ang kaniyang mga binitawang salita, siguro ay masyadong okupado ang utak ko noon kaya nama’y hindi ko na ito masyado inisip. Nais ko sanang ikuwento sa aking matalik na kaibigan kaso nga lang ay tuluyan na itong naglaho sa aking isipan.

            Lagi kong gustong maghatid ng mga kaibigan ko kapag uwian na. Kapag tapos na ang saya. Kung posible, bakit hindi diba? Gusto ko makita ko ang pag-alis nila. Gusto kong masigurado na ligtas ko silang naihatid at malapit na sa kanilang destinasyon. Minsan naman ang rason ko ay gusto ko pa sila makasama ng mas matagal. Yung tipong masyado akong naging masaya sa kumpanya niya/nila kaya naman ayaw ko na matapos ang oras ng aming pagsasama. Kaya gustong-gusto kong naghahatid. Parang sinabi nung isa kong kaibigan, “it gives me purpose”. Pero napaisip nga talaga ako sa sinabi ng kaibigan ko. Nakaramdam ng kirot. Ang sakit pala maiwan. Mag-isa. Kung masyado kong pagtutuunan ng pansin, ang dami na palang nang-iwan sa akin. At yung iba naman, paulit-ulit na pala akong iniwan. Pero napagtanto ko rin, iyon ang desisyon ko. Pinili ko ang maiwan. Masaya na ako na maiwan, maihatid ko lang sila.

            Nabigyan ako ng oras mag-isa ngayong linggo nang maisipan kong tumakbo ng madaling araw at napagtanto ko na bakit nga ba ako nag-iisa?

            Sa mga nagdaang araw bago kami mabigyan ng isang linggong pahinga, naranasan ko ang mag-isa. Literal. Nakaramdam ako ng saya pero pagkatapos nung saya, lungkot naman ang bumalot sa akin. Ayaw ko pala. Kahit gaano ko ito gustuhin, kahit gaano koi to hingiin, sa paglubog ng araw, ayaw kong makita ang sarili na mag-isa. Na walang kasama. Na para bang napagiwanan na ng lahat ng taong sa akin ay mahalaga.

“Solitude”

            Iyan ang naging kaibigan ko sa mga nagdaang araw na hindi ko makakasama ang matalik na kaibigan. Iyan ang bumabalot sa akin tuwing lulunurin ako ng aking mga palaisipan. Iyan ang tanging palusot ko sa tuwing mag-isa. Pero hindi ko akalain na iyan pala ang maituturing kong kaaway. Iyan din pala ang babasag sa aking katahimikan. Ayaw ko pala ng solitude.

            Naniniwala ako na hindi pinili ng tao ang mag-isa. Kagaya ko. Hindi ko desisyon iyon. Pero kasi, nasanay ako. At kapag nasanay ka, wala kang ibang magagawa kundi sundin iyon. Pero sa una palang, hindi mo talaga desisyon iyon. Naniniwala akong walang taong gustong mag-isa. Siguro, nasanay lang sila.

Advertisements