Isang sulat at Patawad

            Marami na ang nagbago. Ngunit alam kong may mga dahilan ang mga ito. Hindi ko rin inakala na aabot tayo sa puntong hindi na maayos ang bawat gulo. Pilit kong sinubukan intindihin, ngunit sadyang hindi na kayang tiisin. Pilit kong huminahon, ngunit mahirap lalo na sa ating sitwasyon. Nagkasala ako, hindi dahil tama ang akusasyon mo. Ngunit dahil hinayaan kong maubos ang pasensya, sapagkat pagod na talaga ako. Ang mga inaraw-araw na bangayan, ay pinili kong hindi na pakialaman. Wala na rin kasing patutunguhan, itong mga masakit na batuhan. Hindi ko kayang magsalita para sa’yo, ngunit sasabihin ko ang nararamdaman ko. Pagod na ako. Sukong-suko na ako. Kaibigan, hindi ko na kaya pang ipagpatuloy ito. Patawarin mo sana ako.

           Aminin na natin sa isa’t isa, hindi tugma ang inakala natin noon ay perpektong samahan. Nagbago ako, at nagbago ka. At sa pagbabagong iyon ay hindi natin naisabay ang pagkakaibigan nating dalawa. Pilit kong tinanggap ang mga ibinato mo, pilit kong nilunok ang mga akusasyon. Pero sana kahit sa huling pagkakataon, intindihin mo ang naging rason. Masyado tayong binago ng panahon. At sa pagbabago ng panahon ay naiwan ang pagkakaibigan natin sa noon. Ngayong iba na ang tinatahak na daan, hindi ko na maibalik at makilala kung ano nga ba ang nag-iba. Ako pa rin naman kasi ito, ang kaibigang nakilala mo. Ngunit hindi ko kayang ibigay lahat agad-agad, hindi ko kayang ibigay lahat sagad-sagad. At sinimulan mong ikumpara ako sa ibang tao, sinimulan mong ikumpara tayo – sa mga magkaibigang matalik na kayang gawin ang mga bagay na hindi ko magawa para sa’yo. May mga bagay silang nagagawa na hindi ko kayang gawin aaminin ko.

         May naging depinisyon ka ng “Matalik na kaibigan”. At ang malungkot pa roon, ay pinilit mo nalang ang konsepto, ngunit para sa akin ay buo na ang naging desisyon ko. Patawad, pero hindi na ako ang tinutukoy mo. Ayaw ko mawala ang pinagsamahan. Ito pa rin naman ay aking pinahahalagahan. Ngunit sa ngayon ay masyado nang nakakalason. Kung sakaling maging ayos ang lahat, narito pa rin naman ako. Isa pa rin akong kaibigan na matatakbuhan. Pero dahil hindi na magkaunawaan, bigyan muna natin ang isa’t isa ng mahabang panandalian.

Advertisements